Kupidong Walang Pakpak
Ngayon ay ika-16 ng Pebrero, 1999. Ako si Cupid Paraiso. Nakatayo ako sa gitna ng isang sementeryo dito sa Pandacan. Tinititigan ko ang bloke ng marmol na nakabaon sa lupa na may pangalang A..n.s C. Pa..i..
Hindi na mabasa ang inukit na pangalan dito.
Mahal ko siya.
Nakatayo lamang ako, pero ang pakiramdam ko ay kakaiba. Napapaisip, napapatulala, napapakanta, napapaluha… mga bagay na hindi ko mapigilan ang aking sarili tuwing ako’y dumadalaw sa lugar na ito.
Oo, mahal ko siya.
Natatandaan ko pa noong bata ako, palagi kong kalaro ang aking kapatid. Dalawa lamang kami, kami ni Kuya. Pero, mahal na mahal kami ni Mama at ni Papa. Hinding-hindi sila nagkulang sa pagpupuno ng aking mga pangangailangan. Mapa kalaruan, o bolpen para si eskwelahan, o mga magagarang pananamit. Sagana kami sa mga materyal na bagay.
Masasabi kong ako’y lumaki sa ginhawa kahit na hindi naman mayaman ang aking mga magulang. Paminsan lamang ako nakaramdam ng kahirapan sa aking buhay… maganda ang aking mga grado sa paaralan, mabait at masunurin naman ako, at marami naman akong kaibigan.
Si Kuya naman, palaging andyan sa aking tabi; pag kailangan ko ng magtuturo saakin sa napakahirap na sabjek na Math, pag kailangan ko ng masasandalan pag ako’y may problema (sa kaibigan, sa paaralan, sa kababaihan), pag nagkakaroon ng pagkakataong ako’y mag-isa at kailangan ng kasama… pag kailangan ko ng kuya. Mahal na mahal ko si Kuya, at alam kong mahal na mahal din niya ako. Naaalala ko, paborito naming kantahin ang awit ni John Travolta na “You’re The One That I Want” na narinig namin isang pelikula.
Noong mga panahong malapit na mag gradweyt si Kuya mula sa hayskul, narinig ko si Papa na kinakausap siya. Hindi ko masyadong narinig eh… pero ang natatandaan ko lamang na klarong klaro na sinabi ni Papa ay ito: “Kailangan natin mag sakripisyo, intindihin mo ito.”
Hindi ko alam kung ano tinutukoy ni Papa na pagsasakripisyo, pero ng dumating ang araw na naka gradweyt na si Kuya, hindi ko nakita ang ngiting alam kong dapat nasasakop ang kanyang buong mukha. Pagkatapos ng araw na iyon, humanap ng trabaho ang aking Kuya sa Maynila.
Nakahanap siya ng trabaho sa isang bahay-pagawaan sa bandang Tondo, isang pabrikang gumagawa ng mga metal na produkto. Hindi ko nga alam kung bakit hindi siya nagpatuloy ng kolehiyo, lagi pa naman niya sinasabi noon na gusto niyang kumuha ng medisina pag dating ng panahon.
Pag tinatanong ko siya, ang palagi niyang sagot ay, “Cupid, napagod ako sa hayskul eh, pahinga muna ako sa pag aaral. Eh, mabigat ang medisina, kala mo! Baka pag nagsimula ako agad permanente na itong eyebags ko! Hindi ako papayag na ikaw na lang ang guwapo sa ating dalawa!” Lagi siyang nakangiti pag sinasabi niya ito, kaya inisip ko na lamang na siya’y tama.
Dumating ang araw na ako naman ang gumradweyt mula sa hayskul. Andoon ang aking buong pamilya, buong-buo. Andyan si Mama na nakasuot ng kanyang paboritong palda’t blusa na matching pa ang pagka polka-dot. Si Papa naman, naka polong gusot mayaman na kulay asul kasama ang kanyang pinaka magandang pares ng pantalon at sapatos. At syempre, andiyan si Kuya, na naka long-sleeve na polo at bell-bottoms na usong uso ng mga panahong iyon.
Tuwang tuwa ako ng araw na iyon.
Noong ako’y papunta na sa kolehiyo, andun din ang aking Kuya. Naaalala ko pa ang hiniram naming jeep sa kapatid ni Papa, dahil wala kaming kotse. Siya ang naghatid saakin sa unang araw ko sa Unibersidad ng Pilipinas, dahil wala sa aming mga magulang ang may alam sa pag mamaneho ng kotse. Pag iniisip ko ng mabuti, natatandaan ko pa ang pakiramdam ng aking tiyan noong unang araw ko na iyon. Para bang ako’y maduduwal at mahihimatay ng sabay.
Pero pagkatapos ng araw na iyon, naging mas madali na ang lahat. At ng hindi ko namamalayan, second year college na ako.
Nitong mga panahon na ito, nakilala ko si Alanis Corcuera. Sobrang ganda niya, dahil sa buhok niyang bagsak na itim na itim, ang kanyang ilong na katamtaman lamang ang pagkabilog, ang kanyang mata na napaka laki, at pati na rin sa kanyang tainga na hugis-puso kung pagdidikitin.
Ilang buwan kong tiniis ang aming mga pagtitinginan sa gusali ng Engineering. Ilang buwan kong pinagpantasyahan ang araw na makapagpakilala ako sa kanya.
Alas, noong Disyembre, ng ako’y naglalakad sa Shopping Center ng UP, nakakita ako ng isang anunsyo mula sa Kolehiyo ng Musika na may programa sila na tinawag nilang “Himig Para sa Iyong Iniibig”. Ang nakalagay doon, magbayad ka lang daw ng dalawang piso sa kahit sinong estudyante ng musika sa UP, magsulat ng mensahe mo at gusto mong kanta sa isang papel, isulat ang pangalan ng gusto mong haranahin at sila na ang bahalang magparating ng mensaheng ito.
Ayun, nagmadali akong kumuha ng papel mula sa dala dala kong kwaderno at naglabas ng bolpen mula sa aking bulsa, at nagsulat.
“Para kay Alanis Corcuera, estudyante ng Engineering, “You’re The One That I Want” ni John Travolta:
Ilang buwan na tayong nagkakasalubong, ilang buwan na kitang hindi matanggal sa aking isip. Kung wala kang gagawin sa dadating na Sabado, nais kitang imbitahan na makipagkita saakin para mailibre kita ng isang hapunan, at maibsan na ang pagkabagabag ng aking pagiisip. Ako’y maghihintay sa harap ng dormitoryong Kalayaan mula alas singko ng hapon hanggang ika’y sumipot.
Nagmamahal,
Cupid Paraiso”
Pagkatapos na pagkatapos noon, napatakbo ako patungo sa building ng Musika, sinubmit ang papel na ito, at naghintay. Sabi ng mabait na babae sa sa building na iyon, paglipas daw ng ilang oras ay matutugunan na ang request kong ito.
Martes noon.
Paglipas ng ilang araw, Sabado na. Naghanda ako, inayos ko ang aking sarili. Ilang beses ko pinraktis ang sasabihin ko kay Alanis, kung sumipot man siya. Hindi ko na inisip na hindi siya sisipot, basta’t ako’y handa sa kung ano man ang mangyari.
Pagdating ko sa harap ng Kalayaan, umupo ako sa hagdan at naghintay. 4:57, sabi ng relos ko. Sisipot siya. Sisipot siya. Sisipot siya.
Hindi ako mapakali. 5:09.
Kala ko masusuka na ako sa kaba. 5:35.
Sisipot siya.
6:25.
Nawawalan na ako ng pagasa ng may narinig akong click-clack ng sapatos na pamilyar sa aking pandinig. Napatingin ako sa kanan. Hayun ang napaka gandang si Alanis, naka damit na pula, naka ayos ang buhok. Napangiti ako. Napatayo. Napanganga. Nawala na sa isip ko ang mga linyang pinraktis ko sa harap ng salamin ng banyo.
“Cupid Paraiso? Uhm… I received your letter. I love that song by the way.”
Iyan ang una niyang sinabi saakin. Ngumiti pa siya. Oha? Gumana. Kahit hindi ako bihasa sa Inggles, sinagot ko siya sa pinaka maayos na Inggles na kaya ko.
“Yes, yes, I’m Cupid. I’m glad that you liked it.” Sabay ngiti ng malaki.
Kumain kami sa pinaka malapit na restawran sa UP. Nainlove ako sakanya ng gabing iyon, at sa pagkakataon na iyon isinumpa ko na gagawin ko ang lahat para mapaligaya ko si Alanis Corcuera.
Dumaan ang madaming buwan, at patapos na ang taong pang-akademya. Girlfriend ko na si Alanis ng mga panahong ito. Inunti-unti namin ang pagpapakilala sa isa’t isa. Dahan dahan lamang, para mapahaba pa ang kasiyahang aming nararamdaman pag kami’y magkasama. Nalaman dalubhasa din naman siyang mag Tagalog, medyo sosyal nga lang ang pagpapalaki sakanya kaya’y ganun ang pagbati niya saakin sa unanag araw ng aming pagkikita. Alam naming pareho na espesyal ang aming relasyon sa isa’t isa, at nagiging seryoso na ang pagtitinginan namin.
Dumating ang Araw ng mga Puso, at inimbitahan ko si Alanis sa isang party ng aking kaibigan sa dorm namin. Pumayag naman siya. Noong araw na din na iyon, tumawag si Kuya. Sabi niya, patungo daw siya sa Quezon City ngayon at dadaanan niya ako, para lang mangamusta. Binanggit ko na may mga plano kami ni Alanis, pero ang sabi ko naman ay na p-pwede naman kaming magkita pagkatapos ng party. Ang aming usapan, magkikita kami sa harap ng aking dormitoryo ng alas-dyis ng gabi.
Kaya, inenjoy namin ni Alanis ang aming kauna-unahang Pebrero ika-14.
Mga alas-onse ng gabi, at naalala kong bigla ang aking Kuya. Nagmadali akong nag-explika kay Alanis na hindi ko siya maihahatid ngayong gabing ito dahil kinailangan kong magmadali pauwi at naghihintay ang aking Kuya.
Ngayong iniisip ko ito, alam kong mali na iniwan ko lang basta basta si Alanis. Siguro hindi ako nakatayo dito sa lugar na ito ngayon kung…
Anyway.
Tumakbo ako pabalik sa dormitoryo at nakita ko ang Kuya ko sa harap nito at halos patulog na. Agad-agad ko siyang linapitan at inalog. Nagising siya, at ngumiti. Yinakap ako, at sinabi ko sakanyang miss na miss ko na siya. Papasok na kami sa loob ng gusali ng bigla kong narinig ang matinis na hiyaw ni Alanis. Napalingon ako, at napatakbo. Napasigaw din ang aking Kuya. Hindi ko na maalala kung ano pa ang nangyari pagkatapos noon, pero tumakbo nalang ako ng tumakbo patungo sa mga hiyaw ni Alanis.
Mahal ko siya. Kailangan ko siyang maabutan. Takbo, Cupid. Kailangan ko siyang maabutan. Mahal ko siya. Takbo, Cupid.
Yan ang tumatakbo sa aking isipan ng nakita ko na ang kinaroroonan ng mahal kong si Alanis. Nakita ko siya, nakahalandusay sa tabi ng isang puno. Punit punit ang magandang bistida na suot niya. Humahagulgol. Pinulupot ko ang aking mga kamay sa katawan niya. Hindi matigil ang pag galaw ng kanyang katawan dahil sa hagulgol. Sa tabi niya nakita ko ang isang baril. Inisip kong baka tinutukan nila ng baril ang mahal ko.
Diyos ko, bakit po nangyari ito?
May narinig akong lalaking sumigaw. Pamilyar ang boses, pero hindi ko inintindi dahil sa paghagulgol ni Alanis. Nadinig ko ang mga yapak ng lalaking ito na palapit saamin. Napalingon ako, hindi ko makita kung sino ang lalaki. Nakita ko ang takot na mukha ni Alanis. Ng hindi nagiisip, kinuha ko ang baril at pinaputok ko ito.
Dalawampu’t limang taon daw, sabi nila. Dalawampu’t limang taon sa Bilibid. Yun daw ang katumbas ng pagpaslang sa isang tao. 1973-1998.
Unang taon ito ng aking paglaya.
Lumuhod ako sa harap ng bloke ng marmol.
Lininis ko ang pangalan.
Lumitaw ang mga nakasulat.
Adonis C. Paraiso
1948 - 1973
“Kuya, patawad.”